137: Ang Speechwriters Group ni PNoy - Mga Talumpati't Dalamhati
Episode description
Walang mapaglagyan ang lungkot ko nang pumanaw kamakailan si dating Pangulong Benigno S. Aquino III. Marami akong gustong sabihin tungkol sa Boss ko, kay PNoy, at sa naging karanasan bilang batang writer na nabigyan ng pagkakataong makapagtrabaho't makapag-ambag sa ilalim ng kanyang liderato.
Kahit pa'no, gumaan-gaan ang pakiramdam ko nang makasama para makapagbalik-tanaw, makidalamhati (makatawa na rin at makangiti), at makapagbigay-pugay kasama ang Speechwriters Group (SWG) ni PNoy-- sina Mikael Co, Yol Jamendang, Charles Tuvilla, Gian Lao, Tina del Rosario, at si Raf Ignacio ng Presidential Management Staff (PMS)-- sa special episode na ito.
Binalikan namin ang mga tagumpay at kabiguan, mga malalabo at makukulit na eksena, mga simpleng alaalang nakatatak pa rin sa’min hanggang ngayon (at malamang, habambuhay), at higit sa lahat, ang mga pabaon sa’min ng karanasang makapaglingkod kasama ang isang mabuti at mahusay na pinuno — ‘di lang sa pagiging manunulat, kundi sa pagiging mabuting kawani ng gobyerno, sa pagiging mabuting tao.
Mahirap isiksik sa isang episode ang anim na taong karanasan, at ang hindi-mabilang naming alaala kay Sir, pero heto kami, nagsama-sama muli, kahit sandali.
Para kay Sir Ricky Carandang, Sir Manolo Quezon, Hermund Rosales, JC Casimiro, at Iman Tagudina-- na bumubuo sa SWG-- at sa iba pang mga nakatrabaho sa gobyerno, na hindi namin nakasama rito.
Para sa mga batang Pilipino.
Higit sa lahat, para kay Sir.
#SalamatPNoy